-- Advertisements --

CEBU CITY – Inanunsyo ni Cebu Governor Gwendolyn Garcia ang pansamantalang pagpapatigil sa operasyon ng mga floating at fixed cottage sa Cordova, Cebu simula Agosto 29.

Ito ang napagkasunduan ng mga kinauukulang stakeholder at mga kinatawan ng ahensya ng gobyerno upang mapadali ang rehabilitasyon sa baybaying dagat ng lugar matapos lumabas sa unang pagsusuri ng Environmental Management Bureau (EMB) na umabot sa 1,300 ml ang lebel ng fecal coliform at hindi na angkop na paliguan dahil maaari nang makakuha ng iba’t ibang sakit tulad ng skin disease.

Dahil sa kumikitang operasyon, dumami pa ang bilang ng mga fixed at floating cottage sa Barangay Poblacion at Catarman kahit walang mga permit mula sa munisipyo ng Cordova o iba pang ahensya ng gobyerno.

Nanawagan pa ang gobernadora sa mga sakop ng PNP, Navforcen, at Coast Guard na hulihin ang mga operator ng bangka na naghatid ng mga pasahero papunta o mula sa mga fixed at floating cottage nang walang permit at lisensya na inisyu ng Marina simula ngayong araw.

Hindi naman binanggit kung gaano ito katagal bago i-rehabilitate, gayunpaman tiniyak ni Garcia na magkakaroon ng “overhaul” kung magiging lehitimo ng LGU ang mga cottage operations sa hinaharap.

Sa panig naman ni Cordova Mayor Cesar “Didoy” Suan na ang mga cottage ay nakakaakit ng mas maraming turista na nagreresulta sa talamak na polusyon sa tubig-dagat ng bayan dahil sa hindi magandang pamamahala ng basura at iba pang mga isyu.