Inilunsad na ng SpaceX ang ikatlong batch nito ng internet-beaming satellites bilang hudyat ng kapana-panabik na panibagong broadband business para sa kumpanya.
Aabot sa 60 maliliit na satellites ang ipinadala sa orbit sakay ng SpaceX Falcon 9 rocket. Isinagawa ang liftoff dakong 9:19 pm ET mula sa Cape Canaveral Air Force Station sa Florida.
Dadagdag ito sa 100 pang satellites na una nang ipinadala ng SpaceX sa kalawakan noong nakaraang taon. Kung sakali na maging matagumpay ang plano ay mayroon pang 23 launches bago matapos ang taong 2020.
Dahil dito ay posibleng mas lumawak pa ang Starlink constellation ng SpaceX ng hanggang 1,500 satellites.
Sa ngayon, itinuturing ang Starlink bilang pinaka-malaking satellite constellation. Mayroon din itong regulatory approval na maglunsad ng halos 10,000 satellites.
Sinusubukan din ng kumpanya na makakuhang muli ng approval upang makapagpadala pa ng adisyunal na 30,000 satellites.
Layunin ng Starlink na makapagbigay ng murang internet service sa ilang parte ng Estados Unidos at Canada ngayong taon at maging pinaka-mabilis na broadband sa buong mundo.
Direkta nitong kinukumpetensya ang mga ground-based providers tulad na lamang ng U-Verse, Fios at iba pa.
Maaari namang makapagbigay ito ng milyun-milyong revenue para sa SpaceX ngunit patuloy pa rin kakaharap ang kumpanya sa iba’t ibang kwestyon at hamon.