-- Advertisements --

Tinawag ni Sen Panfilo Lacson na “ improper” o hindi aksiyon ng isang lider ang ginawang dagdag-bawas ni House Speaker Lord Allan Velasco sa pondo ng mga kaalyado at kritikong kongresista na kitang kita sa ipinasa ng Kamara na 2021 national budget.

Ayon kay Lacson halata ang pagpabor ni Velasco sa kanyang mga supporters samantalang kitang kita din ang paglalag nito sa mga kongresista na kaanib ni dating House Speaker at Taguig Rep. Alan Peter Cayetano.

“Congressmen interfered in the aportionment of the lump sum appropriations under the Department of Public Works and Highways (DPWH) budget. That’s the reason why may mga na-register na increases and decreases when the leadership changed in the House of Representatives. Evidently, noticeable ito, na yung mga malalapit sa bagong Speaker, mayroong naka-register na mga increases at yung mga malalapit sa dating Speaker, `yun ang naka-experience naman ng reduction,” paliwang ni Lacson.

Hindi na inisa-isa ni Lacson ang mga binawasan ng budget maliban kay Camarines Sur Rep. Lray Villafuerte na siyang may pinakamalaking kaltas habang ang ilan na nakatamasa ng malaking budget increase ay ang Benguet, Albay at Abra.

Kinumpirma ni Lacson na hindi naman nabawasan ang budget ni Cayetano sa kanyang distrito.

“It was unchanged “probably out of respect or deference” to the former House Speaker,” giit nito.

Sinabi ni Lacson na mali ang ginawang dagdag-bawas sa pondo dahil lalong naging malaki ang disparity o agwat ng naging hatian ng pondo sa pagitan ng mga kongresista, halimbawa na ang P15.351billion sa isang distrito kumpara sa P620 million sa ilan.

“The disparity is so great that it becomes a bit unconscionable,” paliwanag ni Lacson.

Una na din kinumpirma ni Cayetano ang naging rebelasyon ni Lacson.

Aniya, P300 million hanggang P1 billion ang naging kapalit ng pagsuporta ng mga kongresista kay Velasco, ito umano ang dahilan kung bakit nagmamdali sa turnover ng speakership noong Oktubre.

Dinepensahan din ni Cayetano ang mga kongresista na malapit sa kanya na wala sa Top 10 na may malaking budget, sa katunayan ang mga pwesto nito sa listahan ay pang 155, 204, 219, 193 at 154.

Itinanggi ni ACT-CIS Party-list Rep. Eric Yap, chairman ng House Committee on Appropriations ang alegasyon ni Lacson na ang mga kaalyado ni Velasco ang nakakuha ng “last minute” increase sa alokasyon sa General Appropriations Bill (GAB) gayunpaman nanindigan si Lacson na malinaw ang listahan, mula P396 billion ay biglang lumobo sa P474 ang infrastructure budget ng mga mambabatas na nakapaloob sa DPWH 2021 budget.

Isa si Yap sa nadoble ang alokasyon mula P4 billion ay naging P8 billion.

Si Yap ang itinalagang carektaker ng Benguet nang pumanaw si Benguet Rep. Nestor Fongwan Jr.

“No matter how House members deny, the appropriations in their approved General Appropriations Bill were influenced by the change in their leadership,” paliwanag ni Lacson.

Samantala sinabi ni House Minority Leader Stephen Paduano na ang district allocations na kinukuwestiyon ni Lacson ay maaari pa namang mabago sa bicameral conference committee.

“We’re calling the Senate.Nandoon sa kanila ang budget.Then they should propose amendments, especially in the bicam, and let Senator Ping propose amendments,” pahayag ni Paduano.

Bilang tugon, sinabi ni Lacson na kanya talagang haharangin sa Bicam ang idinagdag na budget ng mga mambabatas at ilalaan ito sa mas kinakailangang pagkagastusan pangunahin na ang health issues at pagbangon ng ekonomiya dulot ng pandemic.

“I want the budget to be responsive to the sign of the times. I want it to be responsive to the budget philosophy of Reset, Rebound, Recover. These are what we need for 2021. Not the multi-purpose buildings, not the double appropriations, not the right-of-way (ROW) payments that cannot be accomplished anyway,” paliwanag ni Lacson.

Target ni Lacson na tanggalin sa 2021 budget ang may P60 billion na infracture allocation na ipinasok ng mga mambabatas sa DPWH budget.