Inaasahang magpapatupad ang mga kompaniya ng langis ng dagdag-bawas sa presyo ng mga produktong petrolyo sa susunod n linggo.
Ayon kay Department of Energy (DOE) Oil Industry Management Bureau Assistant Director Rodela Romero, base sa 4-day trading mula Hulyo 3 hanggang Hulyo 6, magkakaroon ng mixed movement ng presyo ng petroleum products.
Tinatayang magkakaroon ng rollback sa presyo ng gasolina na nasa P0.30 hanggang P0.50 kada litro.
Sa diesel naman, inaasahang magkakaroon ng umento na P0.30 hanggang P0.50 per liter.
Habang sa kerosene naman ay inaasahan din ang umento na P0.30 hanggang P0.50 per liter.
Subalit posible pa itong magbago depende sa magiging pagbabago sa trading ngayong araw.
Paliwanag ng DOE official na ang rollback ay dahil pa rin sa monetary policy ng central banks ng malalaking bansa para matuguna ang inflation habang ang umento naman ay iniuugnay sa pagtapyas ng oil output ng Saudi Arabia para sa Hulyo.
Inaasahang opisyal na iaanunsiyo ang presyo ng petroleum products sa araw ng Lunes na ipapatupad naman sa araw ng Martes.