-- Advertisements --

Sinisikap na raw ng Department of Education na madagdagan ang benepisyo ng mga guro sa kabila ng panawagan ng mga ito na dagdag sahod.

Ayon sa DepEd, sinimulan na ng tanggapan ang pagre-review sa panukalang dagdag benepisyo sa public school teachers bilang tugon sa naunang plano ng kagawaran na “special hardship” at “teaching overload” allowance.

Dati ng ipinaliwanag ng Education department na ang naturang benepisyo ay magsisilbing honoraria para sa mga guro na nalagay sa mahihirap na assignment gaya ng multi grade classes at nagtuturo ng higit sa anim na oras sa classroom teaching.

Bukod dito, magiging sakop din daw ng panukalang benepisyo ang pondo para sa taunang medical examination ng mga guro.

Aminado si Education Sec. Leonor Briones na manipis pa rin ang tsansang maaprubahan ngayong taon ang hirit na dagdag sahod ng mga guro.

Sa ngayon pumapatak sa P20,754 ang halaga ng monthly basic salary ng isang entry-level na public school teacher sa ilalim ng fourth tranche ng Salary Standardization Law.

Nasa P42,099 ang hirit ng mga mambabatas sa Senado sa ilalim ng nakabinbin pang Senate Bill No. 135

Sa kabila nito tiniyak ni Briones na ginagawa ng pamahalaan ang lahat para buong sektor ng public school ang makinabang sa ginagawang pag-aaral para sa wage hike.