VIGAN CITY – Tahasang sinabi ng Tobacco Farmers’ Association of the Philippines na ang dagdag-buwis sa sigarilyo na nakalusot na sa Senado ay naglalayon umanong tanggalin ang produktong tabako sa bansa.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni Bernard Vicente, presidente ng nasabing asosasyon, ang labis umanong maapektuhan sa nasabing hakbang ay ang mga average wage earners na pangkaraniwan nang naninigarilyo, pati na ang mga nagtitinda lamang sa mga bangketa at mga maliliit na sari-sari store.
Dagdag pa ni Vicente na pati ang koleksyon na may kaugnayan sa Republic Act 10351 o Sin Tax Reform Law at Republic Act 7171 ay maapektuhan na rin umano dahil tiyak na babagsak ang national consumption sa sigarilyo.
Ayon sa nasabing opisyal, ang dahan-dahang pagtanggal o pagpatay sa industriya ng tabako ang pangunahing layunin umano ng nasabing hakbang batay na rin umano sa mandato ng Department of Health at World Health Organization dahil sa dumaraming bilang ng mga namamatay dahil sa paninigarilyo.
Una rito sa naganap na botohan sa Senado lumabas ang 20-0 kaya tuluyan nang naaprubahan ang Senate Bill 2233 na naglalayong itaas sa P45 hanggang P60 kada pakete ang excise tax simula sa susunod na taon hanggang sa taong 2023 at pagkatapos nito ay taunan nang madadagdagan ang buwis ng 5% mula January 1, 2024.