Dumipensa ngayong ang Deparment of Education (DepEd) sa hirit ng mga ito sa Commission on Elections (Comelec) na mas mataas na kompensasyon at iba pang benepisyo sa mga poll workers sa 2022 National at Local Elections.
Ayon kay Education Secretary Leonor Magtolis Briones, makatwiran naman daw ang kanilang hiling na dagdagan ang kompensasyon at benepisyo para sa mga teaching at non-teaching personnel sa susunod na halalan dahil na rin sa panganib na dulot ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Sa formal letter ni Briones kay Comelec Chairman Sheriff Abas, ang sitwasyon daw ngayong pandemic ang siyang dahilan ng kanilang request na taasan ang honoraria ng mga magsisilbi sa halalan.
“We recognize that there is a need for a higher compensation for the teachers because the risk of the COVID-19 is still here. We also made sure that the requested amount or rates prescribed are just and reasonable,” ani Secretary Briones.
Base sa panukala ng DepEd, nais nilang magkaroon ng P9,000 na kompensasyon para sa Chairperson ng Electoral Boards at ang mga miyembro naman ay P8,000.
Habang ang Department of Education Supervisor Official (DESO) ay kailangang magkaroon ng P7,000 na kompensasyon at P5,000 naman sa Support Staff.
Ito ay dahil na rin umano sa nararanasang Consumer Price Index at Inflation Rate noong Enero ngayong taon.
Maliban sa benepisyon na ibibigay ng Election Service Reform Act (ESRA), hiniling na rin ng DepEd na magkaroon ng P500 kada araw na COVID-19 Hazard Pay para sa mga otorisadong poll workers.
Dapat din umanong ikonsidera ang provisions ng onsite swab testing at iba pang health services sakaling mayroong COVID-19 sa lugar kung saan isasagawa ang halalan sa election period, P1,000 allowance para sa pagkain at inuming tubig at P2,000 para sa transportation expenses.
Hiniling din ng Education department na bigyan ng honoraria ang mga piling miyembro ng Comelec-DepEd Monitoring and Coordination teams mula sa Central and Field Offices sa ilalim ng 2022 DepEd Election Task Force.
Ito ay para siguruhin umanong mabibigyan ang mga guro ng sapat na impormasyon, technical at legal assistance sa pagpapatupad ng kanilang tungkulin sa halalan.
Ipinanukala rin ng DepEd na walong oras lamang dapat magtrabaho ang mga guro kabilang na rito ang preparation at post-election activities habang hiniling na rin nilang magkaroon ng provision of funds para sa maintenance at pagpapaayos sa mga paaralan na gagamiting voting centers.
Kasabay nito, inihirt din ni Briones sa mga DepEd officials na aktibong lumahok sa palapit na halalan pero mag-focus ang mga ito sa non-partisan public service.
“We call on all our officials and personnel to maintain neutrality, focus on non-partisan public service, and remain a beacon of integrity. We, at the Department of Education (DepEd), thank our teacher-volunteers for continuing to be on the frontline of the foremost exercise of democracy in the country,” dagdag ni Briones.