-- Advertisements --
DUQUE GALVEZ SINOVAC MAY 7 2
IMAGE | National Task Force against COVID-19 handout

MANILA – Dumating na sa Pilipinas ang 1.5-million doses ng COVID-19 vaccine na binili ng pamahalaan sa Chinese company na Sinovac.

Bago mag-alas-8:00 nitong umaga ng Biyernes nang lumapag sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang flight ng Cebu Pacific na may lulan sa shipment ng mga bakuna.

Ito na ang pinakamalaking shipment ng COVID-19 vaccines na dumating sa bansa.

Mismong sina Health Sec. Francisco Duque III at vaccine czar Sec. Carlito Galvez ang sumalubong sa shipment ng Chinese vaccines.

Sa kabuuan, mayroon nang natanggap na 5-million doses ng Sinovac vaccine ang Pilipinas.

Kabilang na ang 1-million doses ng donasyon ng Beijing.

Una nang sinabi ni Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian na may 2-million doses ng Sinovac vaccines na inaasahang darating ngayong buwan.

Batay sa datos ng Food and Drug Administration, may efficacy rate na 65% to 91% ang Chinese vaccine sa mga malulusog na indibidwal, at may edad 18 to 59 years old.

Nasa pagitan naman ng 51% to 52% ang efficacy rate sa mga senior citizens.

Habang 50.4% ang efficacy rate ng naturang bakuna sa mga healthcare workers.

Ayon sa miyembro ng DOST-Vaccine Expert Panel na si Dr. Rontgene Solante, walang dapat ikabahala ang publiko sa mababang efficacy rate, dahil kinikilala ng World Health Organization ang bisa ng mga bakunang nasa higit 50% ang efficacy rate.

“COVID-19 vaccine is so important because aside from the minimum health standard protocol, and all of those prevention method, napaka-importante na you’ll also develop immunity on your own.”