-- Advertisements --
voting precincts voters VCM

Patuloy na umaasa ang Department of Education (DepEd) na magbibigay ang Commission on Elections (Comelec) ng karagdagang P2,000 na honoraria para sa mga gurong magsisilbi sa 2022 elections.

Ito ay sa kabila ng pag-apruba ng Comelec sa adjustment ng sahod sa unang bahagi ng buwang ito dahil na rin sa inaasahang mas mahabang oras ng botohan sa araw ng halalan sa susunod na taon.

Ang naaprubahang honoraria para sa mga guro sa resolusyon ng Comelec noong Nobyembre ay kinabibilangan ng Chairperson ng electoral board, P7,000; miyembro ng electoral board, P6,000; DepEd Supervisor Official (DESO), P5,000; support staff, P3,000 at medical personnel, P3,000.

Mas mataas na ito kumpara sa 2019 rates.

Batay sa resolusyon ng Comelec, nabigyan ng P2,000 pay hike ang mga electoral board chair sa susunod na taon, P2,500 ang mga miyembro ng electoral board at ang DESO at mga support staff ay nabigyan ng P3,000 na pagtaas.

Pero sa hirit ng DepEd noong buwan ng Hunyo nais nila nang mas mataas na rate para sa chairperson ng electoral board na P9,000, miyembro ng electoral board, P8,000; DESO, P7,000 at support staff, P5,000

Sinabi ng Education department na ang mga ito ay batay sa Consumer Price Index at Inflation Rate noong Enero, kaya naman hinihiling nila ang bahagyang pagtaas.

Inihayag din ni Education Secretary Leonor Briones na makikipag-coordinate sila sa Comelec sa nasabing usapin.

Aapela rin ang ahensiya para sa insurance coverage para sa mga guro na maaaring magpositibo sa Coronavirus disease 2019 (COVID-19) habang nasa election duty.