-- Advertisements --

Isinusulong ni Senadora Loren Legarda ang panukalang batas para bigyan ng dagdag na benepisyo ang mga matagal nang miyembro ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth). 

Layon nito aniya na kilalanin ang mga tapat na nagbabayad sa loob ng maraming taon sa pamamagitan ng PhilHealth Member Recognition Program (PMRP).

Sa ilalim ng programang ito, magkakaroon ng point-based reward system kung saan ang mga miyembrong matagal nang nagbabayad ng premium ay makakakuha ng puntos. 

Saklaw nito hindi lang ang kanilang mga susunod na bayad kundi pati na rin ang mga naibayad nila sa loob ng nakaraang sampung taon o mula noong sila ay nag-enroll sa PhilHealth, basta hindi lalampas sa sampung taon.

Ayon sa senadora, maraming miyembro ang matagal nang nag-aambag sa PhilHealth pero pagdating ng bayaran sa ospital, hindi sapat ang natatanggap nilang benepisyo.

Dagdag pa ng mambabatas, dapat nang mag-innovate ang PhilHealth at huwag nang manatili sa tradisyunal na sistema. 

Sa ngayon, ang mga pribadong health 

insurance ay may mga loyalty rewards at flexible spending accounts na mas pinapakinabangan ng mga miyembro. 

Sa ilalim ng panukala, ang mga miyembrong walang palya sa pagbabayad sa loob ng 5, 10, o 20 taon ay makakatanggap ng loyalty bonus. 

Dagdag pa ng mambabatas, maraming Pilipino ang nawawalan na ng kumpyansa sa PhilHealth dahil sa kakulangan ng mga benepisyo. Pero sa pamamagitan ng reward system na ito, mas mapapalakas ang ugnayan ng ahensya sa mga miyembro.

Matapos ipatupad ang PMRP, magsasagawa ang pamahalaan ng pagsusuri kung epektibo ito at kung maaari itong palawakin para sa mga indigent at sponsored members nang hindi nasasakripisyo ang pondo ng PhilHealth.