LEGAZPI CITY – Binalikan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Bicol ngayong araw ang mga residente na lubhang naapektuhan ng pagyanig sa Masbate upang magpaabot ng tulong pinansyal at food packs.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay DSWD Bicol Director Arnel Garcia, nasa 31 pamilya na ang nakatanggap ng P5,000 cash aid matapos mawasak ang tahanan at may iba pang papaabutan.
Nakapagdala na ng 400 na food packs kahapon at karagdagan pang 188 packs.
Nasa biyahe naman ang nasa 2,000 pang food packs na sakay ng barko ng Philippine Navy habang handa na rin ang ibibigay na burial assistance sa namatayan at medical assistance sa mga sugatan.
Siniguro naman ni Garcia na may naka-standby pang mahigit 21,000 food packs sa iba pang posibleng kalamidad tulad ng bagyo at pagputok ng bulkan habang may standby fund pa na P3-milyon.