GENERAL SANTOS CITY – Karagdagang kasong large scale estafa ang isasampa laban sa tatlong police colonel na nauna nang idinawit sa P2 billion Pulis Paluwagan Movement (PPM) investment scam.
Ito ang inihayag ni P/Lt/Col. Aldrin Gonzales, ang tagapagsalita ng Police Regional Office (PRO)-12, sa Bombo Radyo GenSan.
Nilinaw ni Gonzales na hindi pa kasama rito ang naunang kaso na naisampa laban kay Police Col. Raul Supiter, ang dating City Director ng General Santos City Police Office; gayundin kina Manuel Lucban at Henry Biñas, pati lang police non-commissioned officer na umano’y mga nagpatakbo ng PPM scam at isinangkot sa pagkawala ng halos P1.9 billion investment.
Una rito, nalaman na nasa mahigit 80 percent ng mga pulis sa rehiyon ang nakapag-invest sa kontrobersyal na scam.
Maliban pa ito sa mahigit 200 sibilyan na dumulog at nagsampa rin ng kaso sa tanggapan ng National Bureau of Investigation matapos naloko ng PPM.
Kung maaalala, ilan sa mga nabiktima ng PPM ay nauna nang nag-invest sa KAPA-Community Ministry International Inc.