VIGAN CITY – Binabalangkas na umano ng Associated Labor Unions-Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP) ang mga karagdagang labor policies at labor regulations sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, binigyang-diin ni ALU- TUCP spokesman Alan Tanjusay na hindi umano sapat sa ngayon ang mga ipinatutupad na labor laws sa bansa upang maprotektahan ang mga manggagawa sa mga sitwasyong kagaya ngayon kung saan sakit ang kalaban ng mga manggagawa sa bansa.
Ilan umano sa mga nais idagdag ng TUCP at mapagtibay bilang batas ay ang pagbibigay ng mga employers sa mga empleyado nila ng personal protective equipment, pag-disinfect sa mga establisyimentong pinagtatrabahuhan ng mga manggagawa at iba pa upang maprotektahan ang kanilang kalusugan.
Iginiit nito na dapat na mapagtibay ang mga nasabing panuntunan upang tiyak na maipapatupad at susundin ng mga employers at business owners.
Kasabay ng paggunita ng Labor day ngayong araw, pinasalamatan ni Tanjusay ang mga manggagawang nagsisilbing frontliner din sa laban kontra COVID-19.