Hihiling ang Department of the Interior and Local Government (DILG) ng dagdag na pondo sa Kongreso para sa pagkuha ng mga contact tracers.
Ayon kay DILG Usec. Jonathan Malaya, magre-request sila sa Kongreso ng dagdag na pondo sa ilalim ng panukalang Bayanihan 3, na naglalayong tulungan ang bansa na makarekober sa pagbagsak ng ekonomiya dulot ng COVID-19 pandemic.
Paglalahad ni Malaya, tatagal lamang daw kasi hanggang buwan ng Hunto ang P500-milyong pondo na nakalaan para sa kanilang mga personnel.
“Our plan is to request Congress to include an additional amount in the Bayanihan 3… so that should the situation persist, we would have enough contact tracers until the end of the year,” wika ni Malaya.
Sa ngayon, sinabi ng opisyal na masa mahigit 255,000 ang contact tracers sa bansa.
Sa naturang bilang aniya, 15,000 ang kinuha ng DILG habang ang iba pa ay kinuha sa kanilang mga lokalodad, volunteers, o personnel mula sa Bureau of Fire Protection at sa PNP.
Ani Malaya, ang bilang na ito ay sapat para sakupin ang buong populasyon.
Dagdag ni Malaya, sa ilalim ng panuntunan ng DOH, ang ratio ng contact tracers per population ay 1:800, na ibig sabihin ay tanging 135,000 contact tracers ang kailangan para sa 108-milyong Pilipino.