-- Advertisements --

Isinusulong ngayon ni Sen. Sherwin Gatchalian na taasan ang emergency funds para sa mga electric cooperatives sa buong bansa sa 2021.

Pahayag ito ni Gatchalian kasunod ng malaking pinsalang iniwan ng sunod-sunod na kalamidad sa mga power lines at imprastraktura sa bansa ngayong taon.

Ayon kay Gatchalian na chairman din ng Senate committee on energy, sinabi nito na nasa karagdagang P550-milyon ang dapat na isama sa P200-milyon na nakalaan para sa Electric Cooperatives Emergency and Resiliency Fund (ECERF) sa ilalim ng pondo ng National Electrification Administration.

Giit ng mambabatas, pumalo pa sa P829-milyon ang kabuuang pinsalang naitala mula nang pumutok ang Bulkang Taal noong Enero hanggang sa pananalasa ng Bagyong Ulysses sa unang bahagi ng Nobyembre.

Kung tutuusin aniya, lampas na ito sa P250-milyong pondo ng ECERF sa ilalim ng 2020 budget.

“Considering the extent of damage left behind by the series of typhoons that devastated several areas in the country, the original proposed appropriation for ECERF would not suffice to cover the cost of repair work of the electric cooperatives,” pahayag ni Gatchalian.

Aniya, itinatag ang ECERF noong 2019 sa pamamagitan ng Republic Act 11039 upang pangasiwaan ang mas mabilis na restoration ng elektrisidad at power facilities na sinira ng mga natural na kalamidad.

Sinabi pa ng senador, mapipigilan ng pagkakaroon ng sapat na emergency funds para sa mga electric cooperatives ang pagpapasa sa mga konsyumer ng dagdag na pasanin para sa restoration ng mga nasirang power lines.

“Alam naman natin na ang consumers ay naging biktima rin ng bagyo kaya po itong pondo na ito ay gagamitin sa mga ganitong sitwasyon para hindi na ipasa ang pagpapagawa ng mga poste sa ating mga consumers,” dagdag nito.