-- Advertisements --

VIGAN CITY – Ngayong araw na umano ipapadala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang karagdagang ayuda para sa mga biktima ng magkasunod na pagyanig kaninang madaling araw sa Itbayat, Batanes.

Ito ang kinumpirma sa Bombo Radyo Vigan ni NDRRMC-Office of the Civil Defense spokesman Mark Timbal kaugnay ng video conference na naisagawa nitong Sabado hinggil sa nasabing pangyayari sa pangunguna ni Usec. Ricardo Jalad, pati na ang Operations Division ng NDRRMC at ang Regional Disaster Risk Reduction and Management Council- Region 2 pati na ang local government unit ng Batanes.

Sa nasabing video-con, natalakay umano na ngayong Linggo ay ipadadala na ang karagdagang ayuda sa Batanes, kagaya na lamang ng mga relief goods at medical supplies na kailangan ng mga biktima at mga residenteng apektado ng lindol.

Ipinaliwanag nito na mayroon pa naman umanong stock ng relief goods ang LGU- Batanes at ito muna ang kanilang ipapamigay.

Tiniyak ni Timbal na nitong Sabado ng tanghali ay naipadala na sa Itbayat ang mga kailangang medical at search and rescue teams para sa agarang ayuda na kailangan ng mga residente.

Samantala, sinabi ng opisyal na malaking tulong umano ang air asset na ipinadala ng Northern Luzon Command ng Armed Forces of the Philippines upang mailipat sa Batanes Provincial Hospital ang mga sugatang biktima ng lindol mula sa Itbayat District Hospital dahil wala umanong kuryente sa nasabing bayan.