-- Advertisements --

VIGAN CITY – Tiniyak ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na hindi umano mapapatid ang tulong na matatanggap ng mga residenteng naapektuhan ng paglindol sa Mindanao.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni NDRRMC-Office of the Civil Defense spokesman Mark Timbal na naipadala na umano nila ang karagdagang relief support para sa mga residenteng naapektuhan ng lindol.

Kabilang umano sa relief support na kanilang ipinadala ay mga family food packs, temporary shelter at iba pang kagamitan bilang inisyal na tulong.

Samantala, nilinaw nito na hinihintay pa nila ang eksaktong bilang ng mga casualty at mga nasirang istruktura sa pinakahuling pagyanig na naramdaman sa rehiyon dahil patuloy pa ang damage assessment at rescue operation ng kanilang mga local counterparts sa mga apektadong lugar.

Kasabay nito muling hinimok ni Timbal ang publiko na manatiling kalmado ngunit maging alerto sa lahat ng oras.