Inihain sa Senado ang panukalang batas na naglalayong magbigay ng dagdag na sahod sa mga civilian government employees sa apat na yugto mula taong 2025 hanggang 2028.
Sinabi ni Senate Committee on Labor Chairperson Jinggoy Estrada, sa pamamagitan ng kanyang Senate Bill No. 2611, na kilala rin bilang Salary Standardization VI, na ang pagbibigay ng karagdagang benepisyo at pagbabago sa salary schedule ng mga manggagawa sa gobyerno ay magbibigay-daan sa kanila na malagpasan ang sumisirit na presyo ng mga pangunahing bilihin sa merkado.
Ayon pa sa senador, ang naturang panukalang batas ay “reflective of the provisions of House Bill No. 8081” na inihain ni dating 6th district of Batangas representative at ngayon ay finance Secretary Ralph Recto.
Alinsunod sa Senate Bill No. 2611, ang mga empleyadong nasa ilalim ng pinakamababang Salary Grade (SG) 1 ay maaaring tumanggap ng suweldo na P14,300 hanggang P15,158 sa unang tranche.
Samantala, ang mga civilian government workers na nasa ilalim ng pinakamataas na salary grade — SG33 — ay makakakuha ng P461,058 hanggang P474,890 sa parehong panahon.
Binanggit ni Estrada na ang panukalang batas ay dapat i-apply sa lahat ng mga posisyon para sa mga empleyado ng gobyerno sa ehekutibo, lehislatibo, at hudikatura, kabilang ang mga Constitutional Comission, State Universities and Colleges, Government-Owned or Controlled Corporations na hindi saklaw ng Republic Act No. 10149, Government Financial Institutions, at local government units.