BAGUIO CITY – Tuloy ang panghihingi ng suporta ng isang online petition na humihiling sa pagpapahinto ng isang kompanya sa pagputol ng mga puno sa Outlook Drive sa siyudad ng Baguio.
Dahil dito, inumpisahan ng environmental activist na si Michael Bengwayan ang nasabing petisyon na humihingi sa pagtatalakay ni Baguio Mayor Benjamin Magalong sa isyu lalung-lalo na at nakakuha na ang kompanya ng tree-cutting permit mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Umapela sila kay Magalong dahil alam nila na kinikilala ng alkalde ang halaga ng mga puno sa siudad at umaasa sila na may magiging aksyon ito sa nasabing petisyon.
Una rito, ibinigay ng DENR ang Special Private Land Timber Permit sa Vista Residences Incorporated na pumapayag sa pagpuputol sa 53 na Benguet Pine at isang Norfolk Island Pine sa pribado na lote ng kompanya sa Outlook Drive.
Batay sa record ng DENR-Cordillera, nag-apply ang property owner ng nasabing permit noong 2018 at naipasailalim ito ng mahabang proseso at sumunod naman ang mga ito sa pagkuha Environmental Clearance Certificate, barangay certificate at mayor’s clearance.
Napag-alaman na dodoblehin ng kompanya ang 5,400 na unang itinakdang bilang at dami ng Benguet Pine Seedling na ipapalit nila sa mga puputulin nilang puno.