Isinusulong ngayon ni Senate Energy Committee Chairperson Senator Win Gatchalian na dagdagan ng P46 million ang budget ng Department of Energy sa susunod na taon para gamitin upang pondohan ang mga makabagong teknolohiya na magagamit naman upang i-maximize ang indigenous resources sa bansa.
Ayon kay Gatchalian, kailangang mag-invest ng Pilipinas sa research para lubos na malaman ang potensyal ng energy sources. Posible raw kasi na malaki ang maging epekto nito sa buhay ng bawat isa at mas malaking halaga pa ang matitipid pagtagal ng panahon.
Inilatag ng senador ang P20 million para sa energy transition study, P20 million para naman sa comprehensive roadmap ng mga electric vehicles, at P6 million para sa mga prospects ng energy generation sa pamamagitan ng waste-to-energy (WTE) facilities.
Dagdag pa nito na ang pagsasagawa ng pananaliksik sa energy transition ay dapat mayroong whole industry at government approach na para sa iba’t ibang sektor, tulad ng agrikultura, fisheries and forestry, commercial at industrial, residential at maging ang transportasyon.
Dapat din umano na alamin ang magiging papel ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno hinggil sa naturang paksa.