Nagpaliwanag ngayon ang Pag-IBIG fund sa kanilang desisyon na muling ipagpaliban ng hanggang isang taon ang pagpapatupad na taas sa monthly contributions.
Una nang inanunsiyo ni Sec. Eduardo del Rosario, chairman ng Housing and Urban Development Coordinating Council at Pag-IBIG Fund Board of Trustees, sa ginanap na virtual forum ang pagpapaliban sa P50 increase sa monthly contributions sa Enero ng taong 2022.
Bago ito sa January 2021 na sana ang implementasyon ng dagdag na monthly contributions.
Ayon kay Sec. Del Rosario ang kanilang hakbang ay bunsod na rin ng nararanasang krisis sa pandemya ng mga miyembro ng Pag-IBIG Fund at ang mga negosyo.
Sinasabing umaabot na rin sa tatlong dekada ang pinaiiral ngayon na monthly savings sa mga miyembro na P100 na wala pa ring pagtaas.
Sa kabila nito, hinikayat naman ni Acmad Moti, CEO ng Pag-IBIG ang mga employers at mga miyembro na kung maari ay puwede namang boluntaryong magdagdag ng kontribusyon.
Samantala, muling nagpaalala ang Pag-IBIG sa merong mga housing loan lalo na ang hindi nakakabayad dahil sa epekto ng pandemya na mag-apply ng housing loan restructuring program para maiwasang mailit ang kanilang house and lot.