Inilabas ngayon ng Philippine Coast Guard (PCG) ang dagdag pang mahigit 4,000 mga pangalan na mga overseas Filipino workers (OFW) na nagnegatibo sa COVID-19 matapos sumailalim sa RT-PCR testing.
Ang karagdagang 4,104 na mga pangalan ay liban sa naunang 6,500 din na bilang na inilathala noong nakaraang linggo ng Sub-Task Group for the Repatriation of OFWs.
Ayon sa PCG, “nakahanda na ang quarantine clearance ng mga OFWs na ito na maaari nilang matanggap anumang araw ngayong linggo.” (please click below the link)
List of OFW repatriates with RT-PCR negative result
Una nang ipinaabot ng ilang seafarers at OFW sa Bombo Radyo ang labis nilang pagkadismaya dahil marami sa kanila ay nagnegatibo naman sa PCR test pero hindi pa rin pinapayagang makauwi sa kanilang mga tahanan.
Ang iba naman sa mga seafarers ay lampas na sa 14 na araw na quarantine period sa ilang mga cruise ships na nakahimpil ngayon sa Manila anchorage area.
Meron ding ibang mga Pinoy crew ang halos mag-iisang buwan na sa barko at ang iba ay nasa mga hotels at makeshift na quarantine centers sa Metro Manila.
Bago ito ay inanunsiyo ni PCG commandant Admiral Joel Garcia na agad na papayagang makababa ng mga barko ang mga crew sa loob ng 48 na oras kapag natanggap na ang negative results.
Pero sa kabila nito libu-libo pa rin ang nakatengga para sa kanilang quarantine.
Samantala, nagpaalala naman ang PCG na kung wala ang pangalan sa listahan ng mga nagnegatibo sa COVID-19, maaaring pinoproseso pa raw ng Philippine Red Cross ang kinuhang swab sample.
“Ang mga nag-positibo sa COVID-19 ay agad na pinupuntahan ng Sub-Task Group for the Repatriation of OFWs para dalhin sa COVID-19 Treatment Facility,” bahagi pa ng PCG statement. “Hinihiling po ang pasensya at pag-unawa ng mga OFWs na patuloy na naghihintay sa resulta ng kanilang swab test at quarantine clearance. Maraming salamat po.”
Nangako rin naman ngayon si Presidential Spokesman Harry Roque na personal na niyang kukulitin ang OWWA na asikasuhin na sa lalong madaling panahon ang pagpapauwi sa mga OFW.