-- Advertisements --

CAUAYAN CITY- – Hindi dagdag pamasahe ang hinihiling ngayon ng mga transport group kundi dapat ay madagdagan ang capacity ng mga pasaherong maaari nilang isakay sa gitna ng pandemya.

Ang kahilingan ng mga transport group ay dahil sa kada linggong pagtaas sa presyo ng gasolina, diesel at kerosene na umabot sa piso sa kada litro.

Inihayag ni G. Jonathan Estacio, tsuper ng Jeepney na may biyaheng Ifugao-Santiago City na inaasahan nito na liliit pa ang kanyang kita sa maghapon dahil sa magkakasunod na pagtaas presyo sa produktong petrolyo.

Kinakailangan anyang pairalin ang tiyaga kaysa magsagawa sila ng tigil pasada.

Sinabi nito na 1,000 pesos ang kanyang kitang maghapon ay aabot sa hanggang 760 pesos ang inilalaan nito para sa Diesel.

Hinihiling ni G. Estacio na madagdagan ang maisakay nilang pasahero upang madagdagan din ang kanilang kita .

Ayon naman kay Barangay Kagawad Joel Huelgas ng Santiago Federation of Tricycle Drivers Association (SAFETODA) hiniling din nito na madagdagan pa ang kapasidad o bilang ng mga pasaherong pinapahintulutang makasakay sa kanilang mga minamanehong Tricycle.

Noon pa man ay nahihirapan na ang kanilang sektor dulot ng limitadong bilang ng mga isinasakay na pasahero.

Mas maapektuhan din ang kanilang tatlong daang arawang kita at nasa 180 pesos ang inilalaan para sa gasolina.

Dahil anya sa kakarampot na kita ay may mga tsuper ng tricycle ang piniling tumigil na sa pamamasada.

Sa ngayon ay umaabot sa piso at limampong sentimo ang tinaas sa kada litro ng Diesel ; piso at walumpong sentimo sa bawat litro ng gasolina at piso at tatlumpong sentimo naman sa kasa litro ng kerosene.