Kinumpirma ni Interior and Local Government Secretary Eduardo Ano na magpapadala sila ng karagdagang pwersa ng mga pulis at sundalo sa Cebu City para tumulong sa istriktong pagpapatupad ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) doon.
Ayon kay Ano, kailangan ang dagdag na pwersa sa Cebu para masigurong naka-quarantine sa kani-kanilang mga bahay ang mga residente lalo na at pumalo na sa higit 4,000 ang active cases ng COVID-19 sa siyudad at maaari pang tumaas ito.
Suspindido na ngayon ang lahat ng quarantine pass sa Cebu at tanging ang mga essential workers lamang ang pinapayagang lumabas ng bahay.
Binigyang-diin ng kalihim na kung ano ang ipinatupad na quarantine protocols ng IATF sa Metro Manila ay ganoon din ang gagawin nila sa Cebu.
Ayaw na kasi nilang maulit na darating ang araw na magkaubusan ng mga cadaver bag, pati crematorium at ang mga doktor, nurses at mga healthcare workers ay nahawaan na rin sa COVID virus.
Bukod sa dagdag na pwersa ng mga pulis at sundalo na idi-deploy sa Cebu magkakaroon din ng augmentation mula sa Department of Health (DOH) ng sa gayon makapagpahinga din ang mga doktor.
Aminado si Ano na ang experience nila sa NCR ay malaking tulong para sa ipapatupad nilang mga hakbang sa Cebu ngayon.
Si DENR Sec. Roy Cimatu ang magiging chief implementer sa Central Visayas matapos siyang inutusan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sakop ni Cimatu ang Cebu City at ang buong Cebu province maging ang ibang areas sa nasabing rehiyon.
Sinabi ni Ano, mas maganda ngayon ang sitwasyon sa Talisay City, Cebu dahil maraming naitalang recoveries.
Nakatakda namang desisyunan ng IATF ang apela ni Gov. Gwen Garcia na maging GCQ ang Talisay City.