TUGUEGARAO CITY – Hindi pa umano natatanggap ng mga matataas na opisyal ng Philippine National Police (PNP) ang dagdag na sahod mula noong buwan ng enero ng kasalukuyang taon.
Ito ang ibinunyag ni Police Col. Roland Vilela ng Police Regional Office Region 2 (PRO-2) dahil sa hindi pa inaaprubahang 2019 national budget.
Ayon kay Vilela, nananatiling naaantala ang ibibigay sanang dagdag sahod para sa mga rank officers na dapat sana’y mapapasakanila katulad sa nakasaad sa batas na dumodoble sa sahod ng mga pulis na una nang pinirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong nakalipas na taon.
Kabilang sa mga apektado ay ang mga nasa ranggong senior executive master sergeant hanggang sa police general.
Gayuman, sakali umanong maaprubahan ang nasabing budget ay maibibigay din sakanila ang nasabing sahod bilang “retroactive salary.”
Samantala, paliwanag pa ni Vilela na kung nakatanggap na umano ng isang allowance ang isang pulis ay ito na umano ang magiging collateral allowance o kapalit ng iba pang allowance na natatanggap ng PNP.