KALIBO, Aklan – Wala pang komento ang lokal na pamahalaan ng Malay sa kinukuwestiyong dagdag na singil sa mga nagsasagawa ng water sports activity sa isla ng Boracay.
Ikinadismaya ng mga ito ang dagdag na P30 na sinisingil para sa paggamit ng pontoon o floating bridge.
Ang naturang halaga ay maliban pa sa mismong bayad para sa anumang water activity na ipinatupad noong Sabado, Disyembre 21 sa bisa ng ipinalabas na executive order ni Malay Acting Mayor Frolibar Bautista na may petsang Disyembre 5, 2019 na pinangungunahan ng Boracay Island Hopping Association (BIHA).
Sa ilalim nito, obligado ang lahat ng mga watersports at seasports operators na dumaan sa pontoon sa Stations 1 at 3 upang ma-regulate ang operasyon ng mga water activities sa isla gaya ng island hopping, helmet diving, banana boat riding, scuba diving, parasailing, flyfishing, jetskiing, sunset cruise, at iba pa.
Subalit, kinukuwestiyon ang dagdag-singil dahil sa kawalan ng resibo at ordinansa na nagpapahintulot sa naturang asosasyon sa kanilang paniningil.