Nagpadala na ng dagdag na tropa ang Estados Unidos sa Baghdad, Iraq upang proteksiyunan ang kanilang embahada.
Una rito nilusob ng mga nagpoprotesta ang Embassy matapos ang inilunsad na airstrike ng US sa Iraq at Syria upang targetin ang tinaguriang Shia militia group na Kataib Hezbollah.
Kinumpirma naman ni Defense Secretary Mark Esper ang pagpapadala ng additional forces sa Baghdad upang suportahan at proteksiyunan ang kanilang mga personahe, military personnel, diplomats at iba pang American citizens.
“As in all countries, we rely on host nation forces to assist in the protection of our personnel in country, and we call on the Government of Iraq to fulfill its international responsibilities to do so,” bahagi ng statement ni Esper.
Sinasabing ang reinforcement ay kulang-kulang ng 1,000 at karamihan ay magmumula sa 82nd Airborne Division na nasa Fort Bragg, North Carolina.
Merong ding lumabas na larawan na ang ibang mga sundalo ay manggagaling sa kalapit na Kuwait.
Liban dito may mas malaking bilang pa na aabot sa umano sa brigada ang naka-stand-by na rin para i-deploy kung kinakailangan sa rehiyon.
Pero kinumpirma ni Esper na batay sa pag-apruba ni US President Donald Trump magpapadala na sila ng infantry battalion mula sa Immediate Response Force (IRF) na magmumula sa 82nd Airborne Division.
Idinepensa naman ni US Secretary of State Mike Pompeo ang kanilang hakbang.
“Our first priority is the safety and security of U.S. personnel. The United States has acted quickly, prudently, and decisively, taking additional security measures to address threats to American diplomats and facilities in Baghdad.”
Una rito nagpalipad pa ang Amerika ng dalawang Apache helicopters upang magsagawa ng fly by sa Embassy at saka nagpakawala ng flares bilang bahagi ng show of force.
Ang paglipad ng helicopters ay kasunod ng paglusob ng mga demonstrador.
Makikita sa video na pinagbabato at binasag ng mga demonstrador ang mga salamin at pader ng embahada.
Agad namang inilagay sa lockdown ang compound na nasa bahagi ng tinaguriang Green Zone upang mapigilan na makapasok ang mga nagpoprotesta.
Sa ngayon wala pa namang balak daw ang gobyerno ng Amerika na magkaroon ng evacuation sa kanilang mga personahe.