LEGAZPI CITY – Paiigtingin pa umano ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Regional Office-5 ang kooperasyon at pakikipag-ugnayan sa iba pang law enforcement agencies na kaagapay sa pagsawata ng iligal na droga sa Bicol.
Kasunod ito ng pahayag ni PDEA Dir. Gen. Aaron Aquino na may ilang kasapi ng law enforcement units ang sangkot sa pag-recycle ng mga nakukumpiskang iligal na droga sa mga operasyon.
Ayon kay PDEA Bicol Director Christian Frivaldo sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi, wala pa namang natatanggap na impormasyon sa posibleng mga sangkot sa naturang gawi sa rehiyon.
Tiniyak ni Frivaldo na sisipatin din ang hanay kung may mga agents na scalawag upang masiguro na hindi gumagalaw ang mga ito na lihis sa itinatakda ng batas.
Maigi rin aniya kung marami ang sangkot sa isang operasyon mula sa pag-aresto, inventory ng mga ebidensya hanggang sa pag-turn-over sa korte upang marami ring maka-monitor at hindi makalusot ang mga may gawaing iligal.