-- Advertisements --

LEGAZPI CITY- Balik na sa normal ang biyahe ng mga sasakyang pandagat sa Matnog port matapos ang pagpapalabas ng travel advisory ng mga kinauukulan dahil sa pagdagsa ng mga pasahero sa pantalan.

Ayon kay Matnog Port Media Relations Officer Achilles Galindes sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na tumaas ng 83% ang mga pasahero sa pinakamalaking pantalan sa Bicol ngayong buwan ng Hunyo.

Aniya, mula sa average na 2, 855 na mga outbound passengers noong Enero hanggang Mayo ay tumaas ito sa daily average na 5,200 sa kasalukuyang buwan.

Maliban pa dito ay naitala rin ang 144% na pagtaas sa rolling cargoes kung saan mula sa normal na 392 units ay umakyat ito sa 956 ngayong Hunyo.

Isa sa mga tinitingnan na dahilan ng opisyal ay ang pagsasamantala ng mga pasahero sa magkakasunod na holidays at bakasyon ng mga mag-aaral.

Samantala, sa kabila ng pagtaas ng mga pasahero sinabi ni Galindes na hindi naman nadagdagan ang buma-biyahe na roro vessels kaya nagkaroon ng delay sa biyahe ng mga rolling cargoes sa nakalipas na mga araw.

Subalit sa kasalukuyan aniya ay tanging mga trucks na lamang ang nahuling makapag biyahe dahil apat na mga barko lamang ang Landing craft tank na kayang magsakay ng mabibigat na truck.

Paliwanag ng opisyal na mas inuna kasi ang mga bus na may sakay na mga pasahero dahil hindi maaring ma-delay ang biyahe ng mga ito dahil sa dami ng posibleng maapektuhan.