LEGAZPI CITY- Umaabot na sa mahigit 5,000 mga pasahero ang dumaraan ngayon sa Matnog port sa Sorsogon habang papalapit na ang Kapaskohan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Achilles Galindes ang Acting Division Manager ng Matnog Port, karamihan sa mga ito ay mga mula sa Manila na uuwi sa kanilang mga lalawigan bago pa man ang araw ng Pasko.
Halos doble na rin ang bilang ng mga dumadaan na rolling cargoes na umaabot na sa mahigit 1,000 ang bawat araw.
Asahan na umanong mas dadami pa ang dagsa ng mga pasahero hanggang ngayong Linggo habang papalapit ang Kapaskohan.
Sa kabila ng dami ng mga sumasakay sa pantalan, wala naman umanong nakikitang problema dahil tuloy-tuloy naman ang biyahe ng mga barko habang mabilis na nakakasakay ang mga pasahero.