BOMBO DAGUPAN – Nananatiling pangkalahatang mapayapa ang lungsod ng Dagupan at wala pang naitatalang areas of concern habang lalo pang papalapit ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections 2023 sa darating na Oktubre 30.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Atty. Michael Franks Sarmiento, Election Officer ng Commission on Elections (COMELEC) Dagupan City, sinabi nito nainaasahan ng kanialng himpilan na mapapanatili ng lungsod ang naturang estado hanggang sa matapos ang halalan.
Kaugnay nito ay naglunsad ang kanilang himpilan ng Inter-Agency Coordination Meeting kasama ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaang panlungsod sa pagkasa ng Unity Run, Peace Covenant Signing, Integrity Pledge, at iba pang mga aktibidad na naglalayong itaguyod ang maayos na relasyon sa pagitan ng mga kandidato para sa naturang eleksyon.
Ibinahagi pa ni Sarmiento na kanilang tinitiyak na mabibigyang-pansin ang karapatan ng mga Persons Deprived of Liberty ng kalayaang makaboto sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections, subalit mayroong special procedure na kinakailangang sundin sa pagsasagawa nito kung saan ay magsisilbing voting centre ng inmates ang Bureau of Jail Management and Penology.
Saad nito na mayroon din silang itatalagang kawani ng Department of Education na magsisilbing electoral officer sa loob ng nasabing pasilidad at mga support staff na kukuha naman ng balota ng mga PDL kung saan sila orihinal na naka-rehistro. Sa oras na matapos ang inmate sa pagboto ay dadalhin pabalik ng support staff ang kanyang balota sa kanyang barangay kung saan ito bibilangin.