-- Advertisements --

Pinaalalahanan ng state weather bureau ang mga mamamayan sa Dagupan City, dahil sa tuloy-tuloy na mainit na heat index sa loob ng ilang araw.

Batay sa pagtaya ng ahensiya, posibleng magpapatuloy hanggang bukas, March 14, ang damang init na papalo sa 45°C sa buong Dagupan City.

Nangangahulugan ito ng tatlong magkakasunod na araw na mararanasan ang 45°C na heat index sa naturang lungsod na nagsimula pa kahapon, March 12, at ngayong araw, March 13.

Mula March 9, tuloy-tuloy na ang mahigit 40°C na damang init na nararanasan sa naturang lungsod.

Posibleng magtutuloy-tuloy pa ito sa mga susunod na araw, kasabay ng tuluyang pagtatapos ng hanging amihan.

Dahil dito, patuloy na pinapaalalahanan ang mga residente sa naturang lugar na sumunod sa akmang health measure upang maiwasan ang panganib na dulot ng mainit na panahon sa kalusugan.