-- Advertisements --

DAGUPAN CITY – Inanunsyo ng Lokal na Pamahalaan ng lungsod ng Dagupan, na zero active 2019 coronavirus infectious disease (COVID-19) na ang siyudad ngayong araw, Mayo 15.

Ito’y matapos na maka-recover na ang apat pang natitirang mga COVID patients na nakaconfine sa Region 1 Medical Center (R1MC) simula pa noong nakaraang buwan.

Nabatid na ang mga naturang pasyente ay pawang nagpositibo noong Abril subalit lumabas ng clear mula sa nakamamatay na virus base narin sa kalalabas na resulta ng kanilang ikalawang swab test.

Kung maaalala, nakapagtala ng 11 kaso ng COVID-10 sa Dagupan kung saan isa na ang nasawi habang 10 ang nakarekober.

Ayon kay Dr. Ophelia Rivera, COVID-19 focal person ng lungsod, tatlo sa mga bagong naka-recover na pasyente ay mga R1MC medical frontliners habang ang ika-apat ay ang 37-anyos na babae mula sa bayan ng Mabini na naninirahan na ngayon sa Barangay Bonuan Boquig.

Subalit, agad namang umapela si City Mayor Marc Brian Lim, sa mga Dagupeño na huwag magpakakampante kahit nakamit na ng lungsod ang naturang estado dahil sa posibilidad na muling magkaroon muli nito lalo at nasa 25 hanggang 30 percent na apektado ng COVID-19 virus ay mga asymptomatic o hindi nagpapakita ng sintomas.