-- Advertisements --

DAGUPAN CITY – Bumuo na si Dagupan City Mayor Brian Lim, ng isang inter-departmental task force bilang paghahanda sa banta ng 2019 novel coronavirus (nCoV) na dahilan ng pagkakasakit ng libu-libong mamamayan at pagkamatay ng mahigit 1,000 katao sa China at iba pang mga bansa.

Sa isang executive order, inatasan ni Mayor Lim ang lahat ng mga punong barangay at mga namamahala ng mga health facilities, paaralan, terminal ng mga sasakyan at mga pantalan sa lungsod na kaagad ipagbigay-alam sa task force kung meron silang maengkuwentrong kahina-hinalang kaso na maaaring dulot ng nCoV.

Sa ngayon, nananatiling nCov-free ang Dagupan City at Pangasinan at wala pa ring napaulat na mga suspected cases o patients under investigation sa mga ospital.

Pamumunuan ni Mayor Lim ang task force, kung saan co-chair ang officer-in-charge ng city health office na si Dr. Aurora Cuison, vice chair naman ng task force si city administrator Vlad Mata at miyembro sina police chief Lt. Col. Abubakar Mangelen Jr., Ronald de Guzman ng CDRRMC, Robert Christopher Mejia ng POSO, Gabriel Cardinoza ng Public Information Office at lahat ng 31 punong barangay sa lungsod.

Kabilang sa mga gagawin ng task force ay ang pag-formulate ng mga susunding guidelines at protocol upang matiyak ang kaligtasan ng mga mamamayan at makontrol ang pagkalat ng virus.

Dagdag dito, bubuo din sila ng mga barangay task forces at mga response teams na tutulong sa pag-manage sa mga mamamayang pinaghihinalaang may kaso ng nCoV at ang mga contacts o mga nakasalamuhang tao ng mga ito.

Upang mapawi naman ang kalituhan at pangamba ng mga mamamayan na maaaring idulot ng mga kumakalat na fake news, regular na maglalabas ang task force ng mga updated information at awareness materials hinggil sa nCoV.

Nakalahad din sa executive order ang mga gagawing hakbang ng task force na batay sa manual of procedures ng National Epidemiology Center ng Department of Health para mapalawak ang coverage ng reporting, monitoring, surveillance at management ng nCoV.

Nauna rito, umapela si Mayor Lim sa mamamayan na huwag mag-panic. Nanawagan din si Mayor Lim sa mga mamamayan na ugaliing maging malinis upang ‘di na kumalat pa ang anumang mikrobyo.