-- Advertisements --

(Update) KALIBO, Aklan — Nilinaw ngayon ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na ang sangkaterbang mga kabibe na nagkalat sa dalampasigan ng isla ng Boracay ay walang kinalaman sa polusyon.

Sanhi umano ito ng biglang pagbabago ng panahon at temperatura ng tubig.

Giit pa ng ahensiya na sa kabila nito, nananatiling ligtas at malinis ang baybayin ng Boracay.

Nauna dito, sinabi sa Bombo Radyo ni Haron Deo Vargas, isang marine biologist ng Community Environment and Natural Resources Office (CENRO) ng Boracay na ito ang unang pagkakataon na may nakitang shells ng scallop na nagkalat sa baybayin, ngunit walang dapat na ikabahala ang mga mamamayan.

Nilinis na umano ng ilang residente ang mga kabibe para iwas-disgrasya sa mga naglalakad sa dalampasigan, ngunit ang buhay pa ay ibinalik sa dagat.

Nag-viral sa social media ang ipinost na litrato ng isang netizen ukol sa nagkalat na mga seashells, kung saan, mistulang nag-iba ang kulay nito dahil sa reflection ng sunset.