-- Advertisements --

Dumipensa ang economic team ng Duterte administration na sa kabila ng paglobo ng mga pagkakautang bansa dahil nakayanan naman daw ito upang maipagpatuloy ang mga programa sa gitna ng matinding krisis sa pandemya.

Ginawa ni Finance Secretary Carlos Dominguez ang pahayag sa kanyang pagsasalita sa Duterte Legacy Summit sa PICC sa Pasay City.

Ayon sa kalihim, ang matatapang daw na reporma sa pagbubuwis na ipinatupad ay nagbigay daan upang purihin ng mga credit rating agencies ang Pilipinas.

Nagbigay daan din daw ito na makayanan ng bansa ang pagbabayad sa mga utang dahil sa kumpiyansang ibinigay ng mga dayuhan na rating agencies kaya naman maging ang mga private sector ay nakinabang din daw.

Tinawag pa ni Dominguez ang ipinatupad na reporma sa loob ng anim na taon ay mga “game changer reforms.”

Ito aniya ang nagbigay hudyat upang makayanan ng Pilipinas ang worst COVID crisis.

Isa rin daw sa pinakamalaking programa na pinondohan ng administrasyon na umaabot sa bilyun bilyon ay ang umano’y “unprecedented” na proyekto na “social amelioration program” na kahit papaano ay nagbigay ayuda sa mga mahihirap na pansamantalang nawalan ng trabaho sa kasagsagan ng matinding pananalasa ng COVID-19.