KORONADAL CITY – Nahaharap ngayon sa kaso ang Local Government Unit ng Tampakan LGU na isinampa ng Sagittarius Mines Incorporated o SMI dahil umano sa sinisingal na hindi nabayarang taxt liability ng nabanggit na mining company.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Mayor Leonard Escobillo, natanggap na ng LGU ang dokumento kaugnay sa kaso na nag-ugat sa paniningil ng LGU ng buwis at iba pang bayarin na abot sa 397 Million pesos sa kumpanya base sa naging assessment ng Municipal Treasurers office.
Ayon pa kay Mayor Escobillo, iniutos nito sa Municipal Treasurers office na magkaroon ng evaluation sa mga binabayarang buwis sa lahat na mga business establishments sa munisipyo para maibalik nito sa tao ang maayos at magandang serbisyo kaya’t natuklasan ang bayarin ng SMI.
May pagkukulang umano sa pagbayad ng business tax base sa naging assessment sa taong 2020- 2022 at Mayors permit fee at iba pang bayarin mula 2013 hanggang 2022.
Sa halip na magbayad ay hiniling ng SMI sa korte na ito ay magpalabas ng TRO laban sa Munisipyo.
Nairaffle naman ang kaso sa RTC Branch 43 sa sala ni Judge Gerardo Braganza.
Sa ngayon, nag-aantay na lamang ng unang hearing sa kaso ang dalawang kampo. Ipinasiguro naman ni Escobillo na paninindigan nila ang tama para sa kanilang mga cosntituents.
Matatandaan na kontrobersiyal ang SMI dahil sa halos karamihan sa South Cotabato at karatig lalawigan ay ayaw na matuloy ang operasyon nito dahil sa napakalaking pinsala na maaaring maidulot nito sa kapaligiran.