-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Nahaharap ngayon sa kasong murder ang magkapatid at pinsan ng mga ito matapos ang pamamaril-patay sa isang estudyante sa Tantangan, South Cotabato.

Kinilala ni Major Randy Apostol ang biktima na si Christian Paul Valdez, 19 anyos, criminology student at nakatira sa Barangay Poblacion sa nasabing bayan.

Ayon kay Apostol, lumabas sa kanilang imbestigasyon na dahil sa kalasingan kaya’t nabaril ng mga suspek ang biktima hanggang sa binawian ng buhay.

Napag-alaman na habang nagmamaneho ng biktima ang kanyang tricycle mula Tacurong City papuntang Tantangan ay nakasalubong nito ang tatlo na naglalakad pauwi mula lungsod ng Koronadal. Bigla na lamang umanong binaril ng isa sa mga suspek ang biktima gamit ang improvised na baril.

Nagtamo ng malubahang tama ng bala ng baril sa katawan ang biktima at dead on arrival na nang dinala sa pagamutan.

Sa follow-up operation Tantangan PNP nahuli ang isa sa mga suspek na si Laurence Pagayon, 28 anyos, magsasaka may 4 na kilometro ang layo mula sa crime scene.

Sumunod namang naaresto ang kapatid nitong si Archie Pagayon at pinsang si Junriel Dejapa, Archie Pagayon na pawang residente ng nabanggit na lugar.

Sobrang kalasingan naman ang nakikitang motibo ng mga otoridad sa krimen. Inamin naman ng mga suspek na sila ang may kagagawan ng krimen.