KALIBO, Aklan – Hinihikayat ng Sangguniang Bayan (SB) ng Malay ang lokal na pamahalaan na agad na aksyunan ang mga pasaway na may-ari ng mga establishment na patuloy na lumalabag sa ipinapatupad na ordinansa kaugnay sa coastal easement at road setbacks sa Boracay.
Ito ay kasunod ng pagtukoy ng Boracay Inter-Agency Rehabilitation Management Group (BIARMG) sa 10 establishment na lumabag sa itinakdang 25+5 meter easement rule sa baybayin at six meters na road easement mula sa gitna ng kalsada.
Binigyan ang mga ito ng 15 araw na palugit upang tanggalin ang mga iligal na istraktura.
Maliban dito, ilang establisihment sa isla ang patuloy na nag-o-operate kahit na walang kaukulang business permits at clearances ng muling buksan ang Boracay may apat na buwan na ang lumipas.
Sa isinagawang regular session ng SB, ilang konsehal ang nagpaabot ng pangamba sa posibleng ibunga nito sa huli.
Maliban umano sa pagkadamay sa kaso, may posibilidad din na muling mapasara ang Boracay dahil sa mga establishment na hindi sumusunod sa patakaran.
Nabatid na ang isla na isa sa mga pangunahing tourist destinations sa bansa ay ipinasara noong Abril 26, 2018 dahil sa lumalalang polusyon at muling nabuksan noong Oktubre 26, 2018.
Kinasuhan din noong nakaraang taon ng Department of Interior and Local Government ang mga opisyal ng LGU-Malay dahil sa umano’y pagpapabaya.