BAGUIO CITY – Boluntaryong sumuko sa otoridad ang isang kapitan at isang kagawad ng barangay sa Lagayan, Abra at dalawa pa nitong mga kasama na pawang suspek sa nangyaring shooting incident sa lugar nitong Huwebes ng gabi.
Ayon kay Maj. Carol Lacuata, information officer ng Cordillera PNP, nangyari ang pamamaril sa Baybayating, Collago, Lagayan na nagresulta sa pagkamatay ng isa at pagkasugat ng kasama nito.
Nakilala ang mga sumukong suspek na sina Jerry Tabas aka Valentin, barangay kagawad; Henry Tabas aka Kondari; Juny Tabas aka Abbak at Dominador Cardinas Jr. aka Jun Jun, punong barangay ng Collago, Lagayan.
Nakilala naman ang mga biktima na sina Leomar Parado, 19; Moises Gomez Salingbay, 22; at si Jhudges Castañeda Parado, 22.
Batay sa imbestigasyon ng Lagayan PNP, nag-iinuman ang mga bikitima sa bahay ng nagngangalang Albert Balucas nang lumapit sa kanila ang mga suspek na nagresulta ng mainit na argumento.
Napag-alaman kay Major Lacuata na habang kinakanta ng grupo ng mga biktima ang “Mindanao” ay pinalitan nila ang liriko nito ng “Lagayan” na posibleng hindi nagustuhan ng grupo ng mga suspek.
Batay sa report, hinampas ng suspek na si Henry Tabas ang biktimang si Salingbay sa pamamagitan ng botelya ng beer na nagresulta ng sugat sa ulo nito.
Agad tumakbo si Salingbay para magtago ng pinagbabaril na ng mga suspek ang mga ito.
Itinakbo ng mga pulis ang mga biktima sa Abra Provincial Hospital ngunit namatay si Jhudges Parado habang ginagamot ito dahil sa dama ng tama ng baril na natamo ito.
Nagtamo naman ng isang tama ng bala sa braso si Parado.