CENTRAL MINDANAO – Halos 28,000 pa lang o katumbas ng 22.79% mula sa target na 121,692 na mga mamamayan sa Pikit, Cotabato ang nabakunahan kontra COVID-19.
Batay ito sa pinakahuling datos ng Integrated Provincial Health Office (IPHO) Cotabato.
Gayunpaman, ayon kay Aldrin Quijano, National Immunization Program Coordinator, dinadagsa na ngayon ang mga vaccination hub sa bayan ng mga residenteng nais magpabakuna.
Ito ay dahil sa ginagawang paghihigpit sa mga checkpoint sa lalawigan kung saan ilang bayan na ang nagpapatupad ng “no vaccine, no entry” policy.
Ani Quijano, patuloy ang ginagawang nilang pagsisikap na maabot ang herd immunity.
Katunayan aniya, sila na mismo ang pumapasok sa mga liblib na lugar upang kombinsihin ang mga residente na magpakuna laban sa virus.
Dagdag pa ni Quijano, may ilang beses na nakakapagtala sila ng 2,000 katao na nababakunahan sa loob ng isang araw na kinabibilangan hindi lamang ng mga residente ng bayan kundi maging ng mga karatig lugar nito.
Nabatid na ang bayan ng Pikit ang may pinakamababang vaccination rate sa probinsiya.