-- Advertisements --

NAGA CITY – Nauwi sa sunog ang paglalaro ng mga bata sa piccolo sa loob ng isang bahay sa Canaman, Camarines Sur.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay SFO1 Gerald Sto. Tomas ng Bureau of Fire Protection (BFP) Canaman sinabi nitong mga bata lamang ang naiwan sa loob ng bahay kung saan nangyari ang sunog.

Ayon kay Sto. Tomas base sa imbestigasyon, naglalaro ng paputok ang mga bata na nasa 10-anyos hanggang 11-anyos nang aksidenteng naitapon sa sofa ang piccolo kung kaya agad itong sumiklab matapos pumutok.

Agad naman itong naapula ng mga residente sa lugar habang rumesponde naman ang BFP.

Lumalabas na bago pa man nangyari ang sunog, una na silang nagkaroon ng inspection sa mga tindahan kaugnay ng mga pinagbabawal na paputok ngunit wala naman aniyang nakumpiska.

Pinaniniwalaang stock pa noong nakaraang taon ang nasabing mga paputok na pinaglaruan ng mga bata.