Koronadal City – Patuloy na pinaghahanap sa ngayon ng mga otoridad ang isang mister matapos na mapatay nito sa taga ang kaniyang sariling misis sa bayan ng Tantangan, South Cotabato.
Ayon kay Tantangan Chief of Police, Captain Romeo Albano Jr., selos ang motibo na sinusundan ng kanilang imbestigasyon sa pagpatay ng suspek na si Roel John Mara, 38 taong gulang, isang karpintero sa kanyang sariling asawa na kinilalang si Denelyn Mara, 28 taong gulang, isang OFW.
Napag-alaman na kakauwi pa lamang ng biktima sa bansa, ngunit sa halip na sa kanyang mister sa Barangay Bukay Pait dumeretso ay tumuloy ito sa kanyang mga magulang sa karatig barangay ng Dumadalig.
Sinabi pa ni Albano nang puntahan ng kanyang mister ang kanyang misis para kausapin nag-away ang dalawa kung saan nauwi sa pananaga ang matinding pagtatalo ng mga ito.