Aabot sa P15-milyon ang tinatayang halaga ng danyos mula sa insidente ng sunog sa warehouse ng mga plastic sa Pandacan, Maynila nitong hapon.
Sinabi ng Manila Fire District na posibleng ang pagwe-welding sa loob ng compound ang sanhi ng sunog.
Umabot pa sa kalapit na konstruksyon ng Skyway stage 3 ang apoy at usok kaya bumagsak ang bahagi nito.
TINGNAN: Bahagi ng Skyway extension project na bumigay matapos ang sunog sa warehouse ng San Miguel Corp. sa Pandacan, Manila. | @BomboRadyoNews pic.twitter.com/8IMRAk2bIP
— Christian Yosores (@chrisyosores) February 1, 2020
Ayon kay Fire Supt. Roberto Samillano, ang Deputy Fire Marshall ng Manila Fire District, agad na nakalabas ng compound ang mga empleyado nang sumiklab ang sunog dakong alas-10:38 nitong umaga.
Nasa 2nd Alarm na agad ang sunog noon at habang patuloy ang pag-responde ng mga bumbero ay lumakas pa ang apoy kaya iniakyat pa sa Task Force Bravo ang alarm status.
Ito yung ikaapat sa pinaka-mataas na lebel ng alarma sa mga insidente ng sunog.
Batay sa report ng mga otoridad, pagmamaya-ari ng San Miguel Corporation ang nasunog na warehouse na pagawaan ng mga plastic na paleta.
Mayroon daw ongoing na pagsa-saayos sa ilang pasilidad ng lugar kaya hindi imposible ang presenya ng mga nagwe-welding.
Pero ani Col. Samillano, sisilipin pa nila kung may kaukulang permit ang ginagawang improvements sa compound ng warehouse.
Katabi lang pinangyarihan ng sunog ang riles ng Philippine National Railways (PNR) kaya pansamantala ring itinigil ang biyahe ng mga tren na dadaan ng Pandacan station.
Nagdulot naman ng matinding traffic sa northbound ng Osmena Highway dahil kinailangang paunahin ang pagpapadaan sa mga truck ng mga bumbero.
Sa kabila ng makapal na usok mula sa sunog ay kapansin-pansin na nananatiling kalmado ang mga residenteng nakatira malapit sa warehouse.
Kung titingnan din kasi, mataas ang bakod ng compound mula sa residential area.
Sa ngayon wala pa raw natatanggap na pakikipag-ugnayan ang mga otoridad mula sa pamunuan ng San Miguel, pero paliwanag ni Col. Samillano, hihintayin muna nilang matapos ang imbestigasyon bago hingan ng panig ang kompanya.