MANILA – Natuklasan ng mga researchers ng University of the Philippines – Los Baños (UPLB) na may potensyal na benepisyo ang katas ng dahon ng mangga sa balat ng tao.
Ayon sa Department of Science and Technology (DOST), nakita ng researchers na epektibong source ng antioxidant, anti-aging, at whitening properties ang mga dahon ng mangga na kinolekta sa San Miguel, Bulacan.
Partikular na ang mga dahon ng carabao, apple mango, pico, sinaging, at sipsipin.
Pinangunahan ng grupo ni Arsenia Sapin ng UPLB-National Institute of Molecular Biology and Biotechnology ang pag-aaral.
Kabilang sa sinuri ng UPLB researchers ay ang “polyphenolic compound” sa mga pinag-aralang dahon ng manga.
Pati na ang “antioxidant capacity” at “inhibitory effect” laban sa “elastase” at “tyrosinase,” ng mga uri ng enzymes o protina na nagdudulot ng pagtanda at pangingitim ng balat.
Ayon sa research, naging mabisa ang katas ng murang dahon ng pico at carabao mango laban sa “tyrosinase,” na isang uri ng enzyme o protina na nagdudulot ng pangingitim ng balat. Gayundin ang “mature leaves” ng apple mango.
“While these extracts are better whitening agent than the ascorbic acid, such is not the case with kojic acid,” sinabi ng DOST.
Samantala, nakita rin na epektibo ang katas ng apple mango leaves sa “elastase enzyme,” na nagpapatanda ng balat.
“Compared with the standard tocopherol (Vitamin E compound commonly found in nuts, oil, and vegetables), the mango leaf extracts were probably 10 times more effective,” dagdag ng ahensya.
Isa ang mangga sa tatlong pangunahing produkto na inaangkat ng ibang bansa mula sa Pilipnas.
Karamihan din sa mga pag-aaral tungkol sa naturang prutas ang naka-sentro sa pagbebenta, breeding, produksyon, at pag-proseso ng produkto.
“Unlike in other countries, very few in the Philippines have explored the potential and utilization of the non-fruit parts of the mango, such as the bark and leaves,” ani Sapin.
Ayon sa Science department, dati nang natuklasan sa mga pag-aaral sa ibang bansa na mayaman sa polyphenolic compound ang dahon ng mga mangga.
Taglay daw ng nasabing compound ang ilang benepisyo tulad ng antioxidation, antidiabetic, anti-cancer, at anti-inflammatory properties.
Katunayan, ilang malalaking pharmaceutical at cosmetics company daw ang gumagamit ng mango leaves extract sa kanilang mga produkto.
“The results of this study could provide consumers with effective nature-based ingredients for safer cosmetic products, and for healthier and beautiful skin, as an alternative to the synthetic ones available in the market,” dagdag ni Sapin.