-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Dinagdagan pa ng lokal na pamahalaan ng Baguio ang daily limit o bilang ng mga turistang papayagang makapasok ng lungsod sa bawat araw.

Ayon kay City Supervising Tourism Operations Officer Alec Mapalo, mula sa dating 2,000 ay ginawa na nilang 3,000 ang daily limit sa bilang ng mga turistang papayagang makapasok ng City of Pines.

Dagdag pa nito na sa loob lamang ng 24 hours ay napuno na ang slots sa weekend mula ngayong araw, November 26 hanggang sa mga weekends ng Disyembre.

Batay sa datus ng Baguio VISITA, sa loob ng tatlong araw o mula ngayong araw hanggang sa Linggo ay inaasahang darating ng Baguio ang higit 9,200 na mga turista maliban pa sa aabot sa 2,500 na nabigyan ng Blue QR-Coded Tourist Pass (QTP).

Paliwanag nito, ang Blue QTP ay hindi kasama sa nakatakdang daily limit at ang mga holders nito ay mga turistang direktang tutungo sa mga hotel kung saan sila naka-book.

Aniya, may sariling triage area ang mga nasabing hotels.

Giniit pa nito na pinapabalik sa pinagmulang lugar ang mga turistang walang kaukulang dokumento, rehistrasyon at QTP.

Maaalalang binuksan na ang sikat na Kennon Road para sa mga aakyat ng Baguio mula alas-singko ng umaga ng Biyernes hanggang alas-singko ng umaga ng Linggo.

Bukas naman ito mula alas-singko ng umaga hanggang sa hatinggabi ng Linggo para lamang sa mga baba o patungo ng lowland.

Pinag-iingat ng Baguio LGU ang mga turista na gustong bumisita dito sa lungsod mula sa mga iligal na bed and breakfast o transient houses, colorum transports at mga pekeng travel dealers na naglipana ngayon sa social media.

Paalala ng LGU, delikado at hindi ligtas ang pakikipagtransaksion sa mga nasabing entities kaya dapat na sa legitimate at registered entities makipagtransaksion ang mga indibidual na gustong pumasyal dito sa Baguio City.