-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Pinag-aaralan na ng lokal na pamahalaan ng Baguio ang posibilidad na itaas pa ang daily limit ng tourist capacity ng lungsod kasabay ng kasalukuyang holiday season.

Ayon kay Baguio Mayor Benjamin Magalong, tinitignan kung pwedeng madagdagan muli ng 1,000 ang kasalukuyang 4,000 na daily limit sa bilang ng mga turistang pinapayagang makapasok ng lungsod.

Ayon sa kanya, posible ang pagdagdag sa bilang ng mga tatanggaping turista sa lungsod dahil kayang-kaya ng Baguio na pangasiwaan ang kasalukuyang 4,000 daily limit sa tourist arrival.

Sa ngayon aniya ay 62 na transient houses at bed and breakfasts sa lungsod ang may sariling triage units habang 37 na hotels ang may sariling triage units maliban pa sa tatlong bus terminals na may mga sariling triage units at sa mga triage units na itinayo sa mga border checkpoints papasok ng Baguio.

Oobserbahan ngayong linggo ang sitwasyon sa mga triage areas ng lungsod at kung okay ang sitwasyon sa mga ito ay itataas na sa 5,000 ang daily limit ng papayagang turista dito sa Baguio.

Inaasahan naman ng lokal na pamahalaan ng lungsod na mas marami pang turista ang aakyat ng Baguio para sa Christmas at New Year holidays.

Kinakailangan lamang na mag-register at mag-schedule ng pagbisita dito sa Baguio ang mga interesadong turista sa pamamagitan ng Baguio VISITA website at ipakita sa border checkpoints ang kanilang mga travel documents gaya ng vaccination card at QR-Coded Tourist Pass o QTP.

Sa ngayon, tatlong color-coded na QTP ang ibinibigay sa mga turista na pinapayagang makapasok ng Baguio.

Ang yellow QTP ay para sa mga turistang hindi naka-book sa anumang Baguio VISITA-registered accommodation establishments at posibleng makikitulog lamang sa mga kaibigan o kamag-anak at sila ay kasama sa daily limit kaya ang approval sa application ng mga ito ay first-come, first-served habang kinakailangan nilang dumaan sa Central Triage.

Ang purple QTP ay para sa mga turistang naka-book sa mga registered accommodation establishments at kasama ang mga ito sa daily limit kaya ang approval sa application ng mga ito ay first-confirmed, first-counted at kinakailangan nilang dumaan sa Central Triage bago mag-check-in sa kaukulang hotel.

Ang blue QTP ay para sa mga turistang naka-book na sa mga registered accommodation establishments na may sariling triage units kung saan, hindi sila kasama sa daily limit kaya ang approval sa kanilang application ay depende sa availability ng room sa hotel kung saan sila magpapa-book; diretso din sila sa hotel para sa triage at check-in.

Muling pinapaalalahanan ang mga turista na makipagtransaksion lamang sa mga accommodation establishments na naka-rehistro sa Baguio VISITA.

Gaya ng dati, holiday ‘treat’ para sa mga turista ang mababang temperatura ng Baguio na umaabot sa 11-13 degrees Celsius na inaasahang mas bababa pa sa unang dalawang buwan ng 2022 dahil sa patuloy na pag-iral ng hanging amihan.