-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Apektado ang produksyon ng gatas sa dairy center ng Baguio Animal and Breeding and Research Center (BABRC) ng Department of Agriculture (DA)-Cordillera sa Baguio City dahil sa tagtuyot na naranasan sa mga nakaraang buwan.

Ayon kay Dr. Leisley Deligen, project assistant manager ng BABRC, bumaba ang produksiyon ng gatas ngayong taon kung ikukumpara sa mga nakaraang taon.

Aniya, aabot lamang sa anim hanggang pitong litro ng gatas ang nanggagaling sa isang dairy cattle o baka sa isang araw.

Inihayag niya na mas mababa ito kumpara sa 12 hanggang 13 litro ng gatas sa bawat baka noong 2017 hanggang 2018.

Dahil dito, inayos ng BABRC ang water supply sa pasilidad at sila ay nagtanim ng mga damo para sa karagdagang pagkain ng mga baka.

Tinututukan din ang pagpapalago sa cattle population para sa mas malakas na milk production sa Baguio City.