-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Todo suporta ang mga residente sa probinsya ng Cotabato sa isang Midsayapeña na pasok sa bagong National Pageant na Magandang Filipinas.

Siya ay si Mary Josephine Paaske, 18 anyos, Grade 11-Senior High School student ng Notre Dame of Midsayap College (NDMC) at residente ng Brgy. Kiwanan, Midsayap, Cotabato.

Isa lamang Paaske sa 30 mga dilag na nakapasa mula sa halos 200 sumubok na makapasok sa naturang patimpalak.

Half Danish at half Pinay si Paaske.

Ipinanganak siya sa bansang Denmark at makalipas ang 11-taon ay tumira na sila sa Midsayap.

Ilan lamang sa mga titulo ni Paaske pagdating sa mga beauty pageants ay ang pagiging 2nd Runner-up at Ms. Charity sa Mutya ng Midsayap 2019, 1st Runner-up sa Binibining Midsayap 2019 at 1st Runner-up sa Miss Silka – Central Mindanao 2018.

Sinabi ni Paaske, ngayong buwan pa lamang ay magsisimula na ito sa pag-ensayo para makamit ang inaasahang titulo.

Gaganapin ang Magandang Filipinas sa August 8, 2021 sa Panglao Island sa probinsiya ng Bohol.

Maliban sa titulo at korona, ang magwawagi rito ay makakatanggap din ng P200,000 cash prize at magiging representante ng bansa sa isang international pageant.