GENERAL SANTOS CITY – Isinantabi na ng pulisya ang crime of passion matapos lumitaw ang anggulo na ilegal na droga ang motibo sa pamamaril patay sa isang dalaga dito sa lungsod ng Heneral Santos.
Ito ang sinabi ni P/Major Robert Fores, Chief of Police ng Calumpang Police Station matapos makunan ng maraming ilegal na droga ang boarding house ng biktima na si May Ann Tezado, 24 taong gulang na residente ng Purok 16, Brgy. Fatima nitong lungsod.
Ang crime of passion ay unang anggulo na lumabas sa imbestigasyon matapos binaril ang biktima sa araw mismo ng kanyang kaarawan matapos sinabing may makikipagkita sa kanya sa isang lugar subalit binaril ito ng salarin gamit ang caliber 45 pistol.
Ayon kay Fores ang biktima ay pinatay dahil sa onsehan ng droga at hindi crime of passion.
Hindi naman sinabi ng pulisya kung ano ang pagkakakilanlan ng suspek na nakatakdang kasuhan.